
Katotohanan o Katha: Pagsugpo sa Disimpormasyon Tungkol sa Pag-Aresto kay Duterte at sa ICC.
Ang pag-aresto at pagkasuko ni dating Pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) noong Marso 2025 ay isang mahalagang hakbang tungo sa paghahanap ng katarungan para sa mga umano’y krimeng ginawa sa ilalim ng tinatawag na “giyera kontra droga” sa Pilipinas, isang kampanyang kumitil ng libu-libong buhay. .
Ayon sa ICC Prosecutor o Fiscal, si Duterte, bilang tagapagtatag at pinuno ng Davao Death Squad, noong siya ay dating alkalde ng Lungsod ng Davao, at kalaunan bilang Pangulo ng Pilipinas, ay may pananagutang kriminal sa krimen laban sa sangkatauhan na pagpatay (o sa Ingles ay tinatawag na crimes against humanity of murder), na isinagawa sa Pilipinas mula ika-1 ng Nobyembre 2011 hanggang ika-16 Marso 2019. Pinaniniwalaan na isinagawa ni Duterte ang mga krimeng ito bilang bahagi ng malawak at sistematikong pag-atake laban sa sibilyang populasyon. Noong Marso 2018, ipinaalam ng Pilipinas sa Hukuman ang pagkalas nito bilang isang Kasaping Estado ng ICC.
Mula nang maaresto si Duterte, lumaganap ang malawak at organisadong mga kampanya ng disimpormasyon sa midya at social media na layuning sirain ang kredibilidad ng ICC, linlangin ang publiko tungkol sa legal na batayan ng mga proseso sa paglilitis, at takutin ang mga biktima at mga kinatawan ng civil society na kalahok o lalahok sa kaso. Nanganganib itong makaapekto sa kakayahan ng mga biktima na gamitin ang kanilang mga karapatan sa harap ng Hukuman, partikular na ang karapatang makibahagi sa mga proseso ng paglilitis.
Layunin ng blog na ito na sagutin ang ilan sa mga maling pahayag at linawin ang mahahalagang aspeto kaugnay ng mga isinasagawang paglilitis.
Disimpormasyon: Wala na sa saklaw ng kapangyarihan ng ICC ang mga krimeng naganap sa Pilipinas, dahil kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute noong taong 2018.
Katotohanan: Nasasaklaw pa rin ng kapangyarihan ng ICC ang mga krimeng naganap sa Pilipinas mula ika-1 ng Nobyembre 2011 hanggang ika-16 ng Marso 2019, dahil miyembro pa ng ICC ang Pilipinas.
Disimpormasyon: Dapat itigil at iwasan ng mga biktima ang pagsasampa ng kaso sa mga korte sa Pilipinas, dahil puwede itong magdulot ng ‘pagkawala’ ng hurisdiksyon ng ICC sa mga krimen ng pagpatay na naganap sa ngalan ng “giyera kontra droga.”
Katotohanan: Isinasaayos ng ICC ang huridiksyon nito kaugnay sa kaso ni Duterte dahil nabigong kumilos ang pambansang sistemang legal, alinsunod sa “prinsipyo ng komplementaridad” ng Hukuman.Ang prinsipyong ito ay nagsasaad na may pangunahing responsibilidad ang mga Estado na imbestigahan at usigin ang mga internasyonal na krimen, at tanging kung ang estado ay hindi kumikilos, ayaw, o walang kakayahan magsagawa ng tunay na imbestigasyon at pagsasampa ng kaso, saka lamang maaaring isagawa ng ICC ang hurisdiksyon nito.
Nagpasya na ang Pre-Trial Chamber ng ICC na ang Pilipinas ay hindi nagsasagawa ng konkretong, tunay, at epektibong imbestigasyon hinggil sa pananagutan ni Duterte sa parehong mga krimeng iniimbestigahan ng ICC. .
Maaari lamang mapigilan ng prinsipyo ng complementarity ang pag-uusig kay Duterte sa ICC kung may tunay na kaso na isasampa laban sa kanya sa Pilipinas o sa ibang bansa, at kung ang kasong iyon ay kaugnayan sa parehong mga krimen na isinampa sa kanya sa ICC.
Bagaman piling mga mataas na opisyal lamang ang karaniwang inuusig ng ICC, marami pang iba ang maaaring managot sa mga krimeng naganap sa ilalim ng “gera kontra droga.” Kaya’t hindi dapat matakot ang mga biktima na magsampa ng kaso sa Pilipinas.
Disimpormasyon: Ang pagpatay sa 43 katao (ang bilang ng pagpatay na nasa arrest warrant) ay hindi maituturing na krimen laban sa sangkatauhan.
Katotohanan: Ayon sa Rome Statute, ang kasunduang bumuo sa ICC, ang krimen laban sa sangkatauhan na pagpatay ay tinutukoy bilang pagkitil sa buhay ng “isa o higit pang tao” na bahagi ng “malawak o sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan.” Ang ganitong konteksto ang isa sa mga bagay na kailangang patunayan ng Tagausig (Prosecutor o Fiscal) at kalaunan ay pagpapasiyahan ng mga hukom sa panahon ng paglilitis. Hindi kailangang patunayan ng Tagausig na ang mismong mga pagpatay ay “malawak o sistematiko,” kundi na ang mas malawak na “pag-atake” ay ganoon.
Sa pahayag kaugnay ng paglabas ng arrest warrant laban kay Duterte, sinabi ng ng ICC na isinasaalang-alang ng Chamber na ang pag-atake laban sa mga sibilyan ay naganap sa loob ng ilang taon at nagresulta sa libu-libong pagkamatay, at nakatuon lamang ang warrant sa isang kinatawang halimbawa ng mga umano’y insidente. Maaring maraming dahilan kung bakit pipiliin ng Tagausig (Prosecutor o Fiscal) na magsampa ng mas maliit na kaso. Halimbawa, maaari itong istratehiya upang mas mabilis na maisulong ang paglilitis.
Disimpormasyon: Limitado lang sa pagpatay ng 43 katao ang mga kasong nakasampa kay Duterte at hindi na maaaring palawakin.
Katotohanan: Bagamat maaaring, sa prinsipyo, maghain ng karagdagang ebidensya ang Tanggapan ng Tagausig (Prosecutor o Fiscal) at humiling ng pagpapalawak ng mga paratang, bihira lamang payagan ng mga hukom ng ICC na magdagdag ng bagong mga kaso kapag nakarating na ang akusado sa The Hague.
Disimpormasyon: Ibubunyag sa mga abogado ni Duterte ang mga pangalan ng mga biktima na sasali sa kaso.
Katotohanan: Hindi ibinubunyag sa depensa ang mga pangalan ng mga biktimang kalahok sa kaso. Tanging ang pagkakakilanlan lamang ng iilang biktima na boluntaryong tatayo bilang testigo para sa Tanggapan ng Tagausig (Prosecutor o Fiscal) ang maaaring malaman ng kampo ni Duterte.
Para sa mga testigo, maaaring magpatupad ang ICC ng mga hakbang para sa kanilang proteksyon, kung kinakailangan. Maaring kabilang dito ang mga hakbang upang itago ang pagkakakilanlan ng saksi mula sa publiko habang nagbibigay ng testimonya sa Hukuman, pati na rin ang mas malawak na mga hakbang para sa seguridad at kapakanan ng indibidwal.
Disimpormasyon: Kapag nahalal si Sara Duterte bilang Pangulo, maaaring niyang kausapin o pilitin ang ICC na palayain si Duterte.
Katotohanan: Ang ICC ay isang independiyenteng korte na itinatag ng mga Estado upang maglitis nang malaya mula sa anumang pulitkal na impluwensya . Kahit pa subukan ng mga pamahalaan na impluwensyahan ang ICC upang ibasura ang mga paratang o ihinto ang paglilitis ng isang kaso, hindi ito nakikipag-ayos sa mga pamahalaan hinggil sa mga kasong hinahawakan nito.
Photo: ICC-CPI