Q&A ukol sa kaso ni Duterte sa ICC: Paglaban sa mga malawakang paglaganap ng maling impormasyon laban sa ICC at pagsulong ng akses ng mga biktima sa tamang impormasyon
Ang Q&A na ito ay may layuning sagutin ang malawakang pagkalat ng maling impormasyon na pumpapalibot sa mga pagdinig sa International Criminal Court (ICC) sa kaso ni Rodrigo Duterte at upang klaruhin ang mga pangunahing aspeto kaugnay sa legal na saklaw ng Korte, ang kanyang pag-aresto, mga suliranin ukol sa kapakanan ng kaligtasan ng mga biktima at iba pang kaugnay na isyu. Ito ay naglalayong may sapat na akses ang mga biktima sa tamang impormasyon, makapagbigay suporta sa kanila sa paggawa ng mga maayos na pagdedesisyon, pakikilahok at pakikipag-ugnayan sa Korte. Ang ilan sa mga katanungan na bahagi ng diskusyon ay mananatili sa konsiderasyon ng mga hukom ng ICC. Walang intensyon ang Q&A na ito na magbigay spekulasyon o bumuo ng mga legal na argumento patungkol sa mga isyung ito, ngunit ang mas lalong mag-klaro ukol dito.
Noong 2016, ang beteranong Alkalde ng Lungsod ng Davao na si Rodrigo Duterte ay nahalal bilang Presidente ng Pilipinas, kasunod ang pangako nitong paggamit ng kamay na bakal laban sa kampanya laban sa droga. Sa unang anim na buwan ng kanyang panunungkulan, pinaslang ng pulisya at iba pang hindi kilalang armadong indibidwal ang 7,000 na mga Pilipino na pinaghihinalaang may kinalaman sa pagbenta, pamimili o paggamit ng droga. Sa pagtatapos ng kanyang termino bilang presidente, 6,248 na mga pinatay lamang ang kinilala ng gubyerno ng Pilipinas na may direktang ugnayan sa kampanya laban sa ilegal na droga. Mas mataas dito ang aktwal na bilang ng mga pinaslang na pinagbabatayan ng mga grupong nagsusulong sa karapatang pantao.
Noong Pebrero 2018, opisyal na ipinahayag ng Office of the Prosecutor (OTP) ng International Criminal Court (ICC) ang pagsasagawa ng paunang imbestigasyon sa sitwasyon ng Pilipinas. Noong Marso ng 2018, nagpadala ang Pilipinas ng pormal na abiso ng pagtiwalag mula sa kasunduan ng Rome Statute. Sityembre 2021, pumayag ang Korte sa kahilingan ng Prosecutor na ituloy ang imbestigasyon nito sa mga krimen kaugnay na konteksto ng tinatawag na ‘War on Drugs’ ni Duterte sa pagitan ng mga araw ng ika-1 ng Nobyembre 2011 at ika-16 ng Marso 2019.
Noong Marso 2025, inaresto si Rodrigo Duterte ng mga otoridad sa Pilipinas, alinsunod sa inihaing arrest warrant ng mga husgado ng ICC, at isinuko sa kustodiya ng Korte. Siya ay inakusahang may-sala sa krimen bilang “co-perpetrator” o kabilang na akusado kasama ang iba pang mga tao. Hindi pa malaman kung ang Office of the Prosecutor ay maghahain din ng kasunod na arrest warrant sa iba pang kaugnay sa krimen sa mga indibidwal na ito.
Hinirang na makasaysayan ang pag-aresto kay Duterte para sa mga biktima ng tinatawag na “War on Drugs” at kanilang mga pamilya. Bilang hamon sa matagal nang kultura ng kawalang hustisya, ang pag-aresto kay Duterte ay matuturing na unang pagkakataon na isailalim ang isang Pinuno ng Bansa sa Asya sa isang paglilitis. Ito ay mahalagang hakbang tungo sa landas para makamit ang hustisya, at upang panagutin ang maysala, matapos ang mga walang kapagurang pagkilos ng mga biktima, kanilang pamilya at mga grupo na nagsusulong ng karapatang pantao sa Pilipinas.
Ngunit agad na sinundan ang pag-aresto kay Duterte ng malawakan at organisadong pagpalaganap ng mga maling impormasyon tungkol sa ICC, sa kaso nito, ang pag-aresto at ang pagkwestyon ng bisa at ang mga sumunod na pagdinig. Kahit ang personal na social media account ni ICC Judge Iulia Antoanella Motoc, ang Punong Hukom ng Pre-Trial Chamber na syang nag-hain ng warrant of arrest, ay unang naging target ng pagbabanta, at kontrobersya kaugnay sa malawakang kampanya sa pagpapalaganap ng maling impormasyon ukol sa korte. Ang saklaw nito ay mas lalong pinalakas ng mga indibidwal na kusang naniwala na ito ay totoo kung kaya kailangang ipakalat.
Ang naturang mali at nakakalitong impormasyon ay may direktang epekto sa kaayusan ng biktima at maaring magbigay panganib sa kanilang kakayahang gamitin ang kanilang karapatan sa pagdinig ng ICC.
- Una, ang kampanya sa pagpapakalat ng maling impormasyon (disimpormasyon) at panliligalig sa internet sa mga biktima at kanilang pamilya ay nakadudulot ng negatibong epekto sa kaayusan ng kanilang kaisipan. Maari din itong makakapagpaalala muli ng kanilang trauma (retraumatisation).
- Pangalawa, ang organisadong pagpapalaganap ng maling impormasyon (disimpormasyon) na tinutugis ang media, ang ICC at iba pang institusyon, ay nagiging balakid sa sapat na akses ng mga biktima sa angkop at kritikal na impormasyon ukol sa kanilang karapatan at sa mga paraang sila ay magkaroon ng makabuluhang paglahok sa mga pagdinig ng korte.
- Ikatlo, ang patuloy na pagbatikos sa kredibilidad ng ICC ay maaring magdulot ng panghihina ng loob ng mga biktima, na syang nagbigay na ng kanilang buong tiwala sa korte mula sa pakikiisa sa mga outreach activities nito, sa pakikilahok sa sa paglilitis sa pamamagitan ng abogado, o maging sa pagbabahagi mismo ng kwento na kanilang sinapit.
Ayun sa ulat ng mga CSO o mga organisasyong naging katulong sa kaso, iilan sa mga biktima na dati ay masigasig sa pakikilahok sa paglilitis sa iba’t ibang paraan, ay nagiisip nang bawiin ang kanilang partisipasyon bilang resulta ng panggigipit, panliligalig sa internet at sa malawakang paglaganap ng maling impormasyon. Nanganganib na mas lalo pang mailayo nito ang ugnayan ng Korte sa mga biktima at maaring makaapekto sa oportunidad na magkaroon ng angkop na impormasyon, makapag-ambag sa makabuluhang pagkamit ng hustisya, at kung may kombiksyon man sa dulo ng paglilitis, makakakuha ng karampatang danyos sa pinsalang dulot ng kaso sa kanila.
Ang ICC ay pandaigdigang korte, na malaya at may sariling pagdedesisyon. Ito ay nasa The Hague, Netherlands. Dito isinasagawa ang paglilitis ng mga taong inakusahan ng mga krimen na katumbas ay pandaigdigan. Kabilang na rito ay ang mga sumusunod: (a) krimen sa giyera; (b) krimen laban sa sangkatauhan; (c) genocide, o ang sadya at laganap na pagpatay ng isang grupo o lahi; (d) at sa iilang sitwasyon, ang krimen ng agresyon, o ang paggamit ng pwersang militar ng isang bansa laban sa isa pang bansa na may klarong paglabag sa kalayaan o soberenya nito. Ang Office of The Prosecutor (OTP), o ang Punong Tagapag-Usig ay sang pangunahing may responsibilidad na tumanggap at magsagawa ng imbestigasyon patungkol sa mga hinihinalang krimen. Ang Hukom ng ICC naman ang nagbibigay desisyon sa kabuuang proseso, kabilang na kung ang isang imbestigasyon at kaso ay magpapatuloy, kung ang isang tao ay aarestuhin, at kung ang isang tao ay mapapatunayang may sala sa mga isinuplong na krimen.
Ang mga biktima ay maaring makilahok sa paglilitis ng ICC sa maraming paraan. Maari silang magpadala ng impormasyon sa Prosecutor tungkol sa mga krimen na sa tingin nila ay nangyari at nangangailangan ng imbestigasyon. Kalaunan, kung ang mga krimen ay parte ng mga inisampang reklamo laban sa isang akusado, at mismong nakakaapekto sa kanila nang personal, maari rin silang lumahok bilang biktima sa mismong kaso. Nangangahulugan itong sila ay maaring kumuha ng abogado na syang kakatawan sa kanilang pananaw at hinaing sa harap ng korte sa kabuang proseso nang pagdinig. Kabilang na dito ang mga panimulang imbestigasyon hanggang paglilitis, apela at kung ang inakusahan ay hahatulan ng korte, lakip na rin ang proseso ng paghingi ng kaukulang danyos.
Kung nais nilang lumahok sa aktibong kaso laban kay Duterte, kailangan nilang sumagot sa isang batayang dokumento para sa mga aplikasyon. Ang Victims Participation and Reparations Services (VPRS) ng Korte ay makakatulong sa prosesong ito. Kadalasan, hindi nangangailangan ng pagpunta ng mga biktima sa Korte. Sapat nang isang abogado ang kumatawan at magsalita para sa kanila, na maaring sila mismo ang pumili o pwede silang tulungan maghanap ng Korte. Kinukonsulta ng VPRS ang mga biktima, ukol sa kanilang legal na kinatawan. Base sa pananaw at hinaing, nagbibigay mungkahi ito sa mga Hukom sa pag-organisa ng nagkakaisang legal na kinatawan para mga biktima. Upang maging mas maayos, mabilis at masinop sa paggamit ng nakalaang suporta para dito, hangga’t maari ay isang grupo ng mga abogado lamang ang kakatawan sa interes ng mga lumalahok na biktima sa proseso ng paglilitis. Maliban na lamang, kung may nakikitang balakid o di pagkakaunawaan sa iba’t ibang panig ng mga grupo ng biktima. Sa panahon ng pag-uusig, may iilang biktima na maaring tanungin ng Korte na tumestigo o magbigay ebidensya sa kanilang nakita o naranasan. Kung ang isang tao na inakusahan sa harap ng korte ay mahatulan, maaaring hingin ng mga biktima sa Korte ang mga kaukulang danyos na katumbas ng panganib na kanilang natamo. Mayroon ding Trust Fund para sa mga Biktima na pwedeng pagkunan ng suporta para sa kanila.
Simula nang itatag ang ICC noong ika-1 ng July 2022, ito ay nakapagsagawa na ng paglilitis, pag-usig at imbestigasyon sa 33 na kaso, nakapagpakulong ng 22 katao, at humatol ng 11 na mga inakusahang may-sala ng pandaigdigang krimen. Ang mga taong hinatulan ay kalimitang mga indibidwal na nasa mataas na pusisyon at poder, katulad na lamang ng mga armadong grupo sa Democratic Republic of Congo, ang dating Pinuno ng Timbuktu Islamic Police sa Mali, at ang Brigade Commander ng isang armado at rebeldeng grupo sa Uganda.
Dahil sa mga uri ng kaso ng mga krimen na legal na nasasaklaw ng ICC, ang Korte ay nakikipag-ugnayan sa malaking bilang ng mga biktima, sa kaso ni Dominic Ongwen, halimbawa, kaugnay sa mga pambansang krimen na nangyari sa Uganda, 116 katao ang tumestigo, kabilang ang mga experto na naging testigo at humarap nang personal sa korte. 4,905 na mga biktima ang nabigyan ng karapatan na makilahok sa mga paglilitis at iba’t ibang indibidwal pa ang nakibahagi sa pagkilos ng Korte.
Sa kasong isinampa laban kay Duterte, mayroong tinatayang 30,000 katao ang pinatay sa konteksto ng tinatawag na ‘War on Drugs’. Ang korte ay kadalasang nagsasampa lamang ng isang kumakatawang bilang ng mga insidente, at tanging ang mga biktima ng ilang insidente ng pagpatay kaugnay sa sinampang kaso kay Duterte, ang maaring makilahok sa paglilitis sa pamamagitan ng abogado. Ngunit ang Korte ay maari pa ring makipag-ugnayan nang malawakan sa komunidad.
Kahit hindi na bahagi ang Pilipinas ng mga miyembrong bansa ng ICC, may kapangyarihan pa rin ang Korte na magsagawa ng imbestigasyon at paglilitis sa mga krimen na nangyari sa Pilipinas sa loob ng mga panahong ito ay miyembro ng ICC mula ika-1 ng Nobyembre 2011 hanggang ika-16 ng Marso 2019.
Pormal na sumali ang Pilipinas sa ICC noong Nobyembre 2011, sa pamamagitan ng pagiging State Party (miyembrong bansa) sa Rome Statute[17], ang kasunduan ng mga Bansa na nagbuo sa Korte. Noong Marso 2018, sa ilalim ng administrasyong Duterte, nagpahayag ang gubyerno ng notice to withdraw o ang pormal na pagkalas nito mula sa Rome Statute. Ang naturang paghihiwalay mula sa kasunduan, ay hindi nangangahulugang agaran ang bisa nito. Ayon sa Rome Statute, ang pagkalas ng isang bansa mula sa kasunduan, ay magkakaroon lamang ng bisa isang taon pagkatapos matanggap ang ang pormal na abiso. Maliban na lamang kung nakasaad sa abiso ang takdang oras na higit na mas matagal pa sa isang taon.
Ibig sabihin nito, ang paghiwalay ng Pilipinas mula sa Rome Statute ay nagkaroon ng bisa noong ika-17 ng Marso 2019. Kahit na pormal walang bisa ang kasunduan, pagkatapos ng pagkalas ng Pilipinas, nakasaad sa mga probisyon ng Rome Statute na obligado pa rin ang Pilipinas na sumunod sa panahong ito ay Bansang Miyembro pa ng ICC.
Naipapaliwanag nito bakit magsasagawa lamang ang ICC Prosecutor o ang Punong Tagapag-Usig, ng imbestigasyon at paglilitis ng krimen na sinagawa sa Pilipinas sa gitna ng panahon ng ika-1 ng Nobyembre 2011 hanggang sa ika-1 ng Nobyembre 2019, kahit patuloy pa ring may mga naganap na parehong krimen pagkatapos ng mga naturang petsa.

Noong Setyembre 2021, binigyang kapangyarihan ng Pre-Trial Chamber 1 (PTC 1) ng ICC ang Prosecutor na maglunsad ng pormal na imbestigasyon sa sitwasyon ng Pilipinas. Bilang tugon, nais pigilan o i-antala ng Pilipinas ang imbestigasyon sa pamamagitan ng pagkwestyon ng legal na saklaw ng Korte. Ang hukom para sa mga apela (ICC Appeals Chamber), ay tumangging magbigay ng hatol ukol sa isyung ito.
Napag-alaman na ang naturang argumento ay hindi maayos na nailatag sa pagsagawa ng apela at kung gayon ay hindi nangangailangan ng resolusyon sa ganuong parte ng proseso. Nagdesisyon ang tatlo sa limang hukom ng ICC Appeals Chamber, na maaring magpatuloy ang Prosecutor ng imbestigasyon. Ngunit, dalawa sa mga hukom ang nagpahayag ng kanilang hindi pag-sang-ayon.
Anila, dahil ang pagimbestiga ay sinimulan lamang pagkatapos magkaron ng bisa ng pagkalas ng Pilipinas mula sa Rome Statute, hindi na napanatili ng Korte ang kapangyarihang magimbestiga at maglitis. Ang dahilan ng iilan sa mga hukom na di nagsang-ayon, ay bagaman ang paunang imbestigasyon ay nagsimula habang ang Pilipinas ay miyembrong bansa, ang kasunod naman na hakbang, ang mismong imbestigaasyon, ay nasimulan nang huli na.
Noong ika-1 ng Mayo 2025, ang mga abogado na kumakatawan kay Duterte ay nagsumite sa mga hukom ng Pre-Trial Chamber, hinahamon ang legal na saklaw ng Korte, base sa argumento na katulad ng mga iilan sa mga hukom sa minorya na hindi sumang-ayon sa desisyon ng mga hukom sa Korte ng mga Apela. Ang naturang pagsumite ay hindi sinang-ayunan ng Prosecutor at ng mga abogado na pansamantalang kumakatawan sa mga pananaw at isyu ng mga biktima.
Ang mga nasabing isyu ay nag-hihintay pa rin ng desisyon ng mga hukom.

Sa pagtukoy kung magpapatuloy o hindi ang isang kaso, isanasaalangalang ng ICC kung ang mga lokal na korte ay tapat na nagsasagawa ng imbestigasyon o paglilitis para sa parehong tao at parehong uri ng krimen o kaso. Hindi pinapalitan ng ICC ang sistema ng hudikatura sa isang bansa, kundi, kininilala ng ICC ang pangunahing kapangyarihan nito. Maari lamang na pumasok ang ICC, kung ang mga korte ng isang bansa ay hindi nagsasagawa ng imbestigasyon o paglilitis sa mga krimen sa parehong kaso na iniharap sa ICC, o kung may ginawa mang aksyon ang sarili nitong sistema ngunit ayaw o hindi makakapagsagawa ito ng malaya na imbestigasyon o paglilitis. Ang “prinsipyo ng complementarity”, ay nangangahulugan na ang ICC ay isang hukom na may intensyon na karagdagang tulong o prinsipyo maari lamang nyang punan ang husgado ng isang bansa, pero hindi nito kailanman mapapalitan ang pambansang sistema ng hudikatura.
Ang prinsipyo ng complementarity ay makakapigil lamang sa ICC sa paglilitis kay Duterte kung imbestigasyon o kaso na inihain laban sa kanya sa Pilipinas at kung ang kasong iyon ay parehong sa mga kaso na isinampa sa kanya sa ICC, at kung ang mga awtoridad sa Pilipinas ay nagsasagawa ng tunay na imbestigasyon o paglilitis.
Bigo ang Pilipinas sa pagiimbestiga sa pandaigdigang krimen na isinagawa sa panahon ng ‘War on Drugs’ o sa paglilitis kay Duterte sa pagiging sangkot sa mga krimeng ito. Ito ay napatunayan noong Enero 2023 ng Pre-Trial Chamber, na naglabas ng hatol na ang Pilipinas ay hindi nakapagsagawa ng konkreto, totoo at epektibong imbestigasyon sa mga krimeng ito. Kung magbabago ang mga sitwasyon na ito, saka lamang magkakaroon ng sapat na eksaminasyon ulit sa prinsipyo ng complementarity. Ang paghamon base sa prinsipyong ito ay hindi na maaring isagawa kapag nagsimula na ang paglilitis.
Pangalawa, ang ICC ay makakapaglitis lamang ng iilang akusado, pangunahin dito ang mga indibidwal na may mataas na katungkulan sa isang bansa. Ang ibang katao, na nagmumula sa iba’t ibang antas ng katungkulan, ay maaring mapanagot para sa mga krimen na isinagawa sa panahon ng tinatawag na ‘War on Drugs’. Maaaring kakaunting bilang lamang ang kalaunang akusahan ng ICC, pero marami sa mga ito ay hindi na.
Makikita natin dito na sa kabuuang latag ng sitwasyon, hindi na dapat mag-atubili ang mga biktima sa pagsampa ng reklamo sa Pilipinas. Kung may iilang tao pa na maakusahan kalaunan sa ICC, ang Korte ay magsasagawa ng parehong eksaminasyon o pagsuri kung tunay ngang may sapat na imbestigasyon, o paguusig sa parehong krimen sa Pilipinas.

Nilalatag ng Artikulo 59 ng Rome Statute, ang kaukulang proseso na kailangang sundin ng isang bansa pag-aresto at pag-suko ang isang inakusahang akusado sa ICC. Kinakailangan na ang inarestong akusado ay maiharap sa lokal na korte o hukom, para tingnan kung ang warrant ay tumutukoy sa inarestong indibidwal, kung ang pag-aresto ay sumusunod sa legal na proseso o kung ang karapatan pantao ba ng naturang inakusahan ay hindi nalabag. Ang nakasaad na probisyon ay pumapayag na ang inarestong indibidwal ay mag-apply ng pansamantalang paglaya bago ang pagsuko sa korte.
Sa kaso ni Duterte, Artikulo 59 ay hindi nasunod, na nag-udyok ng legal na debate sa mga kinahinatnan ng hindi pagtupad. Kabilang na dito kung mismo ang Artikulo 59 ba ay lapat sa sitwasyon ng kanyang pag-aresto. Ang lahat ng diskyusong ito ay maaaring ibuog sa dalawang posisyon:
- Unang Pusisyon – Ang artikulo 59 ng Rome Statute ay hindi kinakailangang sundin dahil ang Pilipinas ay hindi na saklaw ng kasunduan ng Rome Statute pagkatapos nitong kumalas. Kung kaya, ang gobyerno ng Pilipinas ay maayos na isinuko si Duterte sa ICC, alinsunod sa mga nakatakda sa pambansang batas ng Pilipinas, ang Republic Act 9851 (Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity), na pumapayag na ang isang tao ay maaring ilipat sa ICC, kung nagsasagawa na ito ng pormal na imbestigasyon o pag-usig.
- Ikalawang Pusisyon- Nilalatag ng kasunduan ng Rome Statute ang proseso para sa pag-dakip at paglipat, kabilang na ang pagdala ng inakusahang indibidwal sa harap ng korte ng bansang nakatalagang may kustodiya sa mga akusado ng mga pandaigdigang krimen, kung saan pinapayang pansamantalang dalhin ang akusado bago ang ICC. Dahil hindi naiharap si Duterte sa isang korte sa Pilipinas, ang ganitong pananaw ay nagsusumite na ang Artikulo 59 ay hindi nasunod.
Dati nang humatol ang Korte sa tamang interpretasyon ng Artikulo 59 sa pamamagitan ng mga nagdaang desisyon nito. Sa kaso ni Dominic Ongwen, patungkol sa Uganda, nagdesisyon ang Korte na hindi inaatas ng Artikulo 59 ang custodial state na striktong sundin ang proseso bago direktang ilipat ang akusado sa kustodiya ng ICC. Kung gayon, sapat nang ang mga pambansang awtoridad ang nagtukoy kay Ongwen bilang indibidwal na nagpasailalim sa warrant, ang syang nagbigay alam sa akusado at ang mismong naglipat sa kanya sa kustodiya ng Korte.
Sa isa pang kaso, ang Korte ay nagbanggit na ang hindi pagsunod sa Artikulo 59, ay katumbas ng labis na paglabag ng karapatan ng isang inakusahan, na maaring makapagpahina sa kakayahan akusado na ipagtanggol ang sarili nito at magkaroon ng patas na paglilitis. Sa ganitong sitwasyon, maaaring maapektuhan ang pagpapatuloy ng kaso.
Ang katangungan kung tama o mali ba ang proseso ng pag-aresto at pagsuko kay Duterte, ay higit sa malamang mailalatag din sa harap ng mga hukom ng Korte para sa isang resolusyon. Sa kanyang unang pag-harap sa Korte noong Marso 2025, ito ay tinanong ng kanyang abodago ngunit tumanggi na magbigay ng desisyon at hatol ang Korte ukol dito, sa halip ay nagsaad na ang usapin ay masasagot lamang kung ang paglilitis humantong na sa kumpirmasyon ng mga nasakdal na reklamo na naka-skedyul sa Setyembre 2025.

Inaresto si Duterte sa alegasyong pagpatay na tinuturing na krimen laban sa sangkatauhan. Sa ilalim ng kasunduan ng Rome Statute, ang naturang krimen ay nangangahulugang ang sadyang pagpatay sa “isa o higit pang katao” na isinisagawa bilang parte ng “malawakan on sistematikong pag-atake laban sa mga populasyong sibilyan”. Nangangahulugan ito na ang mas may bigat sa pagtukoy ng kaso, ay hindi sa bilang kundi sa kontekstong ito ay isinagawa. Ang naturang mga pagpatay ay kailangang maging parte ng higit na mas malaki pang pag-atake sa grupo ng mga sibilyan ng malawakan o may sinusunod na sistema. Ang mas malaking pag-atake ay kadaalasang nakaugnay sa malaking bilang ng mga biktima. Ang mga iilan sa mga tukoy na kaso, ay maaring nakaugnay lamang sa mas maliit na bilang, ngunit pwede pa rin itong ituring na krimen laban sa sangkatauhan kung ang mas maliit na bilang ng mga pagpatay ay bahagi ng mas malawakang pang mga insidente ng pagpatay.
Ayon sa Elemento ng mga Krimen ng ICC, ang dokumento na nagtatakda ng eksaktong mga batayan para patunayan ang isang krimen, ang iisang insidente ng pagpatay ay maituturing na krimen laban sa sangkatauhan kung ito ay isinagawa bilang parte ng malawakang pagpatay. Ang mas malaking patayan, at hindi ang bilang ng mga biktima, ang makakapagpatunay sa krimen.
Sa kaso ni Duterte, ang mga hukom ng Pre-Trial Chamber ay naghatol na ang naturang mga insidente na inilarawan sa aplikasyon ng Prosecutor para sa warrant of arrest, ay patunay na may sapat na basehan para paniwalaan na may naganap na malawakan at sistematikong paraan ng pagpatay. Binigyang atensyon ng mga hukom na ang naturang karahasan ay naganap sa loob ng iilang taon at nagdulot ng ilang libong pagpatay.
Higit pa rito, ang bilang ng mga pinatay na binanggit sa opisyal warrant of arrest ay hindi naglalayong ipakita ang kabuuang saklaw ng krimen o tiyak na bilang ng mga pagpatay. Ang Prosecutor ay walang sapat na kakayahang magimbestiga at maglitis ng lahat ng mga insidenteng napapaloob sa mga sitwasyon ng malawakang karahasan. Kung kaya ang bawat akusado ay kadalasang humaharap lamang sa mga krimen na “maliit na bahagi o sampol”, lamang ng mga insidente. Ang naturang maliit na “sampol” ay kailangang kumakatawan sa magkakaibang uri ng karahasan na naranasan ng mga biktima. Ngunit, minsan hindi ito nakakamit ng mga kaso na hinaharap sa ICC.
Inihayag ng ICC na bagaman limitado ang bilang ng mga pagpatay nakalapaoob sa warrant of arrest, kinilala pa rin nila ang mas malawak ang saklaw ng pagpatay at iba pang paglabag sa karapatang pantao na naganap sa tinatawag na “War on Drugs.”
Ang ganitong pagtanaw ay alinsunod sa nakagawian na ng Korte sa ibang mga kaso. Ang mas kakaunti na kaso ay pwedeng iharap sa paglilitis para mas may diin at mas madaling isaayos. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang malawakang pagpatay ay isinasantabi na. Ang diin ay nananatili sa pagpapatunay na ang mga napiling insidente ay parte ng malawakan o sistematikong pagpatay laban sa mga sibilyan, na syang nagpapatibay na ito ay krimen laban sa sangkatauhan.

Sa ilalim ng legal na balangkas ng ICC, mayroong dalawang paraan para amyendahan ang mga reklamo:
- Pwedeng magpatuloy ang prosecutor sa imbestigasyon at sa pag-amyenda, bago araw ng pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga reklamo, sa kondisyon na dapat ay bigyan ng kaukulang abiso ang kampo ng depensa sa kaso. Ayon sa Chambers Practice Manual, ang Prosecutor ay maaring magdagdag ng mga insidenteng basehan na hindi pa nakapaloob sa warrant of arrest na unang inilabas. Kung magdesisyon man ang Prosecutor itong gawin, kailangan nitong magsumite ng karagdagang ebidensya sa hukom ng at humiling na idagdag ng mga bagong isasampang reklamo o mga karagdanang insidente ng pagpatay bago ang araw ng pagdinig ng kumpirmasyon ng mga reklamo (confirmation of charges hearing).
- Pagkatapos ng confirmation heraing , ang mga Hukom mismo ay may kapangyarihang magpasya at magamyenda ng mga isasampang reklamo dahil ang mga ebidensya ay may sinisiwalat na iba pang krimen. Maari ding hingin ng mga Hukom ang pagpapatuloy ng Prosecutor ng imbestigasyon.
Lahat ng ito sa teorya, ay nangangahulugan na ang mga reklamo laban kay Duterte, ay maari pang palawakin. Ngunit, hindi ito madalas mangyari.
Bihira sa mga hukom ng ICC ang pumayag para sa mga bago at karadgdagang mga reklamong idudulog pagkatapos isuko ng akusado sa The Hague. Ang Prosecutor ay kalimitang nagtatakda ng limitasyon sa mga kaso sa iilang insidente, kaysa sa maghain ng mga reklamo sa bawat posibleng insidente na maaring ituring na krimen. Ang ganitong gawi ay para rin makaroon ng pagdinig na may diin at mas maayos.
Sa kaso ni Duterte, sakop ng arrest warrant ang pagpatay sa krimen laban sa sangkatauhan. Naunanang hiniling ng Prosecutor na mapabilang na ang tortyur at panggagahasa bilang kabilang sa mga krimen laban sa sangkatauhan, ngunit humatol ang mga hukom ng mga Pre-Trial Chamber na ang mga naturang alegasyon ay hindi nagpapakita ng sapat na mga koneksyon sa mas malawak na pag-atake laban sa mga sibilyan. Bilang resulta, hindi na sila mapapabilang sa arrest warrant.
Kahit ang mga biktima ay makakapagsumite ng kanilang mga pananaw sa pamamamagitan ng kanilang mga abogado ukol sa saklaw ng mga pormal na reklamo, ang kahit anong pagpapalawak o dagdag ay kailangan dumaan sa pagsusuri ng hukom ng ICC. Alinsunod sa mga patakaran ng mga hukom ng ICC o ang Chambers Practice Manual, ang Prosecutor ay makakapagpalawak ng sakop ng isang kaso hanggang sa araw ng pagdinig ng kumpirmasyon ng mga reklamo (confirmation of charges hearing). Ito ay na nakatakdang mangyari sa Setyembre 2025, sa kaso ni Duterte.
Sa nagdaang mga kaso, pinapayagan ng mga hukom ng ICC ang posibleng pagpapalawak ng saklaw ng mga pormal na reklamo laban sa isang akusado. Ang kaisa-isang halimbawa dito ay ang kaso ni Ongwen, ang Brigade Commander ng isang armadong grupo sa Uganda. Base sa mga nasumite sa Prosecutor, ito ay bahagyang dahil sa mahabang pagitan ng paunang imbestigasyon na ginawa ng Prosecutor (kung saan nakabase ang arrest warrant) at sa aktwal na pagkakakulong kay Ongwen.
Samakatwid, ito ay posibleng mangyari. Ngunit kung susumahin lakip ang kaunting oras bago ang araw ng confirmation hearing at sa pagbasa ng mga unang hatol ng mga Hukom, malamang ay hindi na mas mapapalawak pa at madadagdagan ang mga reklamo para maisama ang iba pang kaso ng pagpatay, at krimen tulad ng panggagahasa at totyur.

Sa ilalim ng Rome Statute, ang isang akusadong inaresto sa bisa ng isang warrant of arrest ay may karapatang humiling ng sa pansamantalang paglaya bago ang simula ng kanyang paglilitis. Kabilang din ito sa karapatan ni Duterte. Ngunit, ang pagpayag para sa kanyang paglaya ay hindi basta bastang ibinibigay. Ito ay nakadepende sa desisyon at pagsusuri ng mga hukom kung ang patuloy na pagkakakulong ng isang tao ay kinakailangan para sa mga sumusunod na rason:
- Para iwasan na ang akusado ay humarap sa ICC bago ang aktwal na paglilitis;
- Para siguraduhin na hindi ito magiging balakid sa imbestigasyon at pag-usad ng paglilitis ng korte;
- Para iwasan ang akusado na patuloy na magsagawa ng mga krimen na akusado sa kanya at iba pang kaugnay na krimen dito sa loob ng legal na saklaw ng ICC.
Noong ika-12 ng Hunyo 2025, ang mga grupo ng abogado ni Dutere ay pormal na humiling sa Korte na payagan ang kanyang kundisyunal na paglaya, base sa kadahilanan ng kanyang edad1. Ngunit ito ay agad na tinutulan ng Office of the Prosecutor at ng abogado na pansamantalang kumakatawan sa mga biktima.
Habang mahirap tantyahin ang posibilidad ng pagpayag ng korte kay Duterte sa kanyang pansamantalang paglaya, mainam tandaan na pumayag lamang ang ICC sa dating dalawang kaso. Ang mga naturang kaso ay parehong kaugnay sa mga pagkakasala ayon sa Artikulo 70 o mga pagkakasala base sa pangangasiwa ng hustisya.
Kaiba ito sa kaso naman ni Duterte, na kumakaharap ng krimen laban sa sangkatauhan, isa sa mga pangunahing krimen sa ilalim ng Artikulo 5 ng Rome Statute. Sa ngayon, wala pang pagkakataon na nagbigay ng pansamantalang paglaya ang ICC sa isang akusado na inakusahan base sa Artikulo 5 na mga krimen.

Sa ilalim ng Rome Statute, kung ang isang akusado ay hatulan at sentensiyahan ng pagkakakulong, ang ICC ay maaring magtalaga ng isang bansa mula sa mga listahan ng mga bansa na sumasang-ayon na tanggaapin ang mga hinatulan. Ang batayang patakaran ng ICC ay nagsasaad na kinakailangang isaalang-alang ng Korte ang prinsipyo na ang mga miyembrong bansa ng ICC ay may kahating responsibilidad para maayos na ipatupad ang mga sentensya.
Hindi direktang sinasabi ng Rome Statute na hindi nito pinapayagan ang mga Hindi Estadong Parte ng kasunduan bilang mga bansa kung saan ang isang hinatulan ay maaring magsilbi ng sentensya ng pagkakakulong. Ngunit ang lahat mga indibidwal hinatulan ng ICC, ay nagsilbi o nagsisilbi sa mga bansang parte pa ng kasunduan ng Rome Statut. Higit pa rito, dalawa lamang sa mga hinatulan ang nagsilbi ng sentensya sa kanilang mga sariling bansa. Noong 2015, bilang tugon sa kanilang opisyal na kahilingan sa Korte, pinayagang lumipat sina Thomas Lubanga Dyilo at Germain Katanga sa Democratic Republic of Congo (DRC), para magsilbi ng sentensya sa kani-kanilang bans. Ang Presidente ng ICC ay pumayag sa kanilang opisyal na kahilingan, alinsunod sa isang kasunduan sa gubyerno ng bansa. Napapaloob sa kasunduan na sa DRC sila magsisilbi ng nalalabi nilang panahon ng sentensya at kung papayag ang bansa sa inspekyon ng mga kundisyon ng piitan sa pamamagitan ng Red Cross.
Hindi pa natutukoy, kung papayagan nitong sa Pilipinas manilbihan ng sentensya ng pagkakakulong si Duterte, kung sya man ay mahatulan at may ganuong kahilingan na opisyal na hihingin.

Ang mga biktima na nais makilahok kaso ngunit hindi makakapagtestigo, ay mananatiling sekreto ang identidad mula sa panig ng Depensa sa lahat ng panahon. Maliban na lamang kung magdesisyon ang mga Hukom na isiwalat ito, mananatiling sikreto ang kanilang mga pangalan at iba pang impormasyon na makapagtukoy sa kung sino sila. Sa loob ng kasalukuyang sistemang ginagamit ng Korte sa pagsisiyasat sa aplikasyon ng mga bitima para sa paglahok sa kaso (ang tinatawag na A-B-C sytem), ang mga aplikasyon lamang na hindi sigurado kung sila ang dapat na kilalaning mga biktima na makakapagbigay ng legal na katanungan na ibibigay ng mga Hukom (lalo na sa mga aplikasyon na napapaloob sa Group C), ang makakarating sa kampo ni Duterte. Gayunpaman, tinatanggal or tinatakpan ang lahat ng mga impormasyon na makakapagtukoy sa biktima o sa iba pang partidong nababanggit sa dokumento bago ito ibigay sa kampo ni Duterte.
Ang napakaliit na bilang ng mga biktima na tatayong testigo rin sa paglilitis ay bibigyan ng ibang pagtrato. Ang kanilang mga identidad ay isisiwalat sa kampo ng Depensa. Pawang boluntaryo ang pagtayo bilang testigo at may kaakibat itong mga programa para sa proteksyon ng testigo.
Ang Korte ay may sistema para parehong bigyang proteksyon ang mga lumalahok na biktima at testigo, ngunit ang uri at lawak ng proteksyon ay depende sa kanilang gampanin sa kaso at sa lebel ng panganib na kanilang kinakaharap.
Para sa mga biktima na nais makilahok sa pagdinig sa pamamagitan ng abogado, ang VPRS ay sadyang siguradong itinatago ang mga dokumento ng aplikasyong sinusumite ng mga biktima. Kung ang biktima ay isa ring testigo at ang kanilang identidad ay kinakailangang isiwalat sa kampo ng Depensa, mas malawakan na proteksyon maaaring ibigay sa kanila depende sa panganib na kinakaharap nito. Kabilang na dito ang mga sumusunod:
- Ang pagtestigo nang sekreto o ang sa tago at hindi pampublikong sesyon;
- Paglaan ng suportang Sikolohikal at mental;
- Proteksyon para sa mga bahagi ng pamilya;
- Relokasyon sa mas ligtas na lugar o bansa kung kinakailangan;

Ang ICC ay hukuman na malaya at may sariling pagdedesisyon na sumusunod sa tanging mandato ng pagiging husgado at hindi isang pulitikal na institusyon. Ang mga desisyon na isinasagawa dito ay alinsunod sa Rome Statute, sa Kautusang Legal na Pamamaraan at Ebidensysa nito at iba pang pandaigdigang prinsipyong legal. Ang mga desisyon dito ay isinasagawa ng mga independente, malaya at walang pinapanigang mga hukom.
Ang legal na balangkas ng ICC ay nakadisenyo para siguraduhin na ang lahat na inusig sa harap ng Korte, lakip na si Duterte, ay mabibigyan ng patas at walang pinapanigang paglilitis, at malaya sa kung anumang pamumulitika.

Ang publikasyong ito ay isinulat nang may kaakibat na tulong pinansyal mula sa European Union sa ilalim ng proyekto na tinatawag na “Global Initiative Against Impunity.” Ang nilalaman nito ay tanging pananagutan ng REDRESS at hindi sumasalamin sa mga pananaw at paniniwala ng European Union.